Pagbibigay proteksyon sa survivor at kaanak ng mga biktima ng Oplan Tokhang sa Payatas, hindi tinutulan ng solicitor general

by Radyo La Verdad | February 10, 2017 (Friday) | 906


Malaki ang posibilidad na mabigyan ng permanenteng proteksyon ang survivor at kaanak ng apat na biktima ng Oplan Tokhang sa Payatas, Quezon City.

Sa pagdinig kanina sa Court of Appeals, hindi tinutulan ng Office of the Solicitor General ang Writ of Amparo Petition laban sa mga pulis ng QCPD Station 6.

Ayon sa OSG na tumatayong abogado ng mga pulis, walang dahilan upang tutulan nila ang petisyon.

Katunayan, hindi na nga aniya dapat hingin pa ng mga petitioner na bigyan sila ng proteksyon dahil tungkulin talaga ito ng pamahalaan.

Naipaliwanag na rin aniya sa mga pulis ang posisyon ng OSG at pumayag sila dito.

Ngunit hindi umano ibig sabihin nito ay inaamin na ng mga pulis na may pananagutan sila sa pagkamatay ng mga biktima.

Magkahalong gulat at tuwa naman ang naramdaman ng mga petitioner sa naging posisyon ng OSG.

Bukod sa naging mabilis ang pagdinig, tila inamin din ng mga pulis ang karamihan sa kanilang mga alegasyon.

Ayon pa sa abogado, posibleng magamit nila sa isasampang kasong kriminal ang pag-amin ng mga pulis na sila ang nakapatay sa mga biktima at bumalik sila sa lugar pagkatapos ng insidente.

Tiniyak naman ng hepe ng QCPD na tinutupad nila ang inilabas na Temporary Protection Order ng Supreme Court pabor sa mga biktima.

Inilipat na rin sa district headquarters support unit ang apat na pulis na sangkot sa insidente.

Tinapos naman ng CA ang pagdinig sa petisyon kanina at maglalabas na lamang sila ng desisyon sa loob ng sampung araw.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: ,