Pagbibigay ng COVID-19 vaccine booster sa mga healthcare worker, sinimulan na ng mga mga LGU sa NCR

by Radyo La Verdad | November 18, 2021 (Thursday) | 6931

METRO MANILA – Inumpisahan na ng ilang lungsod sa Metro Manila ang pag-administer ng booster shot sa mga healthcare worker.

Sa San Juan City nasa anim na raang health workers ang binakunahan kahapon (November 17) mula sa halos 5,000 nakarehistro sa lungsod.

Pfizer vaccine ang brand na ginamit para sa kanilang booster shot.

Maging ang lokal na pamahalaan ng Taguig, nakapagbigay na rin ng booster shot sa kanilang mga healthcare worker.

Ayon kay Taguig National Immunization Program Head Dra. Jennifer Lou de Guzman, inunang bigyan ng booster shot ang frontliners mula sa Taguig City Health Officce at Taguig-Pateros District Hospital.

Bawat medical frontliner ay kailangang nakakumpleto muna ng primary series ng COVID-19 vaccine para makakuha ng booster shot.

Aabot naman sa 20,000 health frontliners ang target mabigyan ng booster shot ng Taguig LGU.

Samantala, nabigyan na rin ng booster shot ang A1 sector mula sa national Kidney and Transplant Institute.

Mula sa 1,000 health workers na nakatalaga sa NKTI, 300 ang inisyal na binakunahan ng booster shot kahapon.

Fully vaccinated ang mga ito gamit ang sinovac vaccines, habang Pfizer naman ang kanilang booster shot.

Paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III, malaking tulong ang booster shot upang makapagbigay ng dagdag proteksyon laban sa COVID-19.

Samantala, oobserbahan pa ng Department of Health (DOH) ang magiging bisa ng booster shot bagaman sa ngayon ay hindi pa masasabi kung hanggang kailan ang itatagal ng efficacy nito.

Ayon kay Secretary Duque, nasa 1.7 million health care workers ang planong bakunahan ng booster shot sa buong bansa hanggang sa katapusan ng Nobyembre.

Pagkakataon anila ito habang mababa pa ang kaso ng COVID-19 upang maging handa ang ating mga healthcare worker sakaling muli na namang magkaroon ng COVID-19 surge.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: , ,