Pagbasa ng sakdal kay Senator Sherwin Gatchalian at Cong.Prospero Pichay, pinagpaliban ng Sandiganbayan

by Radyo La Verdad | August 15, 2016 (Monday) | 1914

MON_GATCHALIAN-PICHAY
Personal na nagtungo sa Sandiganbayan si Senator Sherwin Gatchalian at Surigao Del Sur 1st District Prospero Pichay upang dumalo sa kanilang arraignment.

Subalit ipinagpaliban ng Sandiganbayan 4th division ang pagbasa ng sakdal sa kasong graft, malversation at paglabag sa banking laws dahil sa mga nakabinbing mosyon ng dalawang akusado.

Kasama rin sa kinasuhan ang dalawamput apat pang personalidad kabilang na ang mga kapatid at magulang ni Senator Gatchalian.

Nagsimula ang kaso noong 2009 ng ilipat ng Local Water Utilities Administration o LWUA ang 780 million pesos na public fund sa Express Savings Bank Inc. o ESBI.

Si Pichay ang namumuno sa LWUA ng bilihin nito ang ESBI na pagmamayari naman ng mga Gatchalian.

Lumabas sa imbestigasyon na bumili ang LWUA ng mahigit apat na raang libong stocks mula sa ESBI na nagkakahalaga ng 80 million pesos na wala man lamang pahintulot ng Office of the President, monetary board, Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of Finance.

Maliban sa 80 million na binayad sa stocks, nag deposit rin umano ang LWUA ng 300 million sa savings account ng ESBI, bukod pa sa 400 million advance payment sa stock subscription ng banko.

Kinuwestyon ng Korte kung bakit nagpatuloy ang transakyon gayong malapit na malugi ang banko

Naniniwala si Congressman Pichay na may kulay pulitika ang mga kaso laban sa kanya.

Sinabi naman ni Senator Gatchalian na kahit kailan ay hindi siya nasangkot sa anomang korapsyon at handa silang makikipagtulungan sa korte upang lumabas ang katotohanan.

Sa October 5 muling itinakda ang arraigment ni Sen. Gatchalian at Cong. Pichay.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: ,