Posibleng matagalan pa bago maibalik ang buong suplay ng kuryente sa Baguio City, Benguet at ilang bayan sa Ifugao dahil sa mga nasirang poste at kawad ng kuryente.
Sa ulat ng Office of the Civil Defense-Cordillera, sa ngayon ay nasa 30-porsyento pa lamang ng power supply ang nare-restore sa lungsod habang sa Benguet ay maaaring sa susunod na linggo pa tuluyang maibalik.
Wala ring kuryente ngayon sa ilang bayan ng Ifugao, partikular na sa Hungduan, Banaue, Asipolo at Hingyon.
Ayon sa OCD, sa ngayon ay patuloy nang inaayos ang mga nabuwal na poste at maaaring maisagawa ang reconnection sa araw ng sabado.
Samantala, tuluy-tuloy na rin ang clearing operations ng Department of Public Works and Highways sa mga isinarang kalsada upang madaanan na ito ng mga motorista.
Sa ngayon, dalawampu’t apat na major roads pa rin sa Cordillera Region ang hindi madadaaan dahil sa landslides at mga nabuwal na mga puno, kabilang na ang mga naglalakihang pine trees.
Ngunit ang Marcos Highway at Naguillian Road ay bukas na para sa mga motoristang aakyat o bababa ng Baguio City.
Ayon sa Office of the Civil Defense, limampu’t walo ang naitalang landslide at soil erosion; may mga gumuho ring riprap kabilang na sa bahagi ng Camp 6 sa Kennon Road at patuloy pa nila itong nililinis.
Sa ngayon ay maganda na ang lagay ng panahon dito sa Baguio City matapos ang ilang araw na pag-uulan kaya marami na rin sa ating mga kababayan ang nagsisibalikan na rin sa kanilang mga bahay, maliban sa mga evacuee na wala nang mabalikan dahil nasira na ng bagyo ang kanilang mga tirahan. ( Grace Doctolero / UNTV News )
Tags: Department of Public Works and Highways, Office of the Civil Defense-Cordillera