Pagbalik ng mga evacuee sa Marawi City, pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan

by Radyo La Verdad | October 27, 2017 (Friday) | 2325

Excited nang makabalik ng Marawi City si Ashmia Saber Langilao. Kasama ang kaniyang pamilya sa daan-daang libong lumikas matapos sumiklab ang bakbakan sa lungsod.

Sa susunod na linggo, papayagan ng makauwi sa kanilang mga bahay ang mga evacuee na nakatira sa siyam na barangay sa Marawi City.

Unang makakabalik ang mga residente sa Basak Malutlut, ang barangay kung saan nagsimula ang bakbakan ng sinubukan ng mga otoridad na hulihin ang Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon.

Pero isa sa hamon na kinakaharap ng lokal na pamahalaan sa pagbabalik ng mga evacuee ay ang suplay ng tubig. Bilang pansamantalang tugon, susuplayan ng malinis na tubig ang mga barangay na hindi pa maayos ang linya.

Samantala, hindi pa lahat ng barangay ang may linya na ng kuryente. Ayon sa Lanao del Sur Electric Cooperative o LASURECO, kahit aktibo na ang linya ng kuryente na dumadaan sa isang barangay, kailangan munang i-update ng mga residente ang membership sa kumpanya bago mapailawan ang kanilang tahanan.

Ayon sa LASURECO, libre ang reconnection at may moratorium o hindi muna pagbabayarin ng kuryente ang mga residente ng Marawi sa loob ng isang buwan batay sa direktiba ng Department of Energy.

Pang-unawa naman ang hiling ng mga opisyal ng lungsod kung hindi agad makakauwi ang iba pang mga evacuee kahit hindi naman nasira ng giyera ang kanilang mga tahanan.

Hiling naman ng lokal na pamahalaan sa mga taga-Marawi, sana ay magtulungan upang hindi na maulit ang malagim na sinapit ng kanilang bayan.

Ang mga residente naman na ang mga tahanan ay nasa main battle area ay dadalhin muna ng pamahalaan sa mga ipinapatayong transitory shelters na inaasahang malilipatan na ng mga evacuee simula sa Nobyembre.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,