Ayaw kumpirmahin ng Malakanyang ang naiulat na umano’y balasahan sa mga miyembro ng communication group ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sa mga lumabas na ulat, di umano kuntento ang Pangulo sa ginagawang pagpapaliwanag at stratehiya ng kaniyang mga tagapagsalita sa isyu ng Mamasapano incident.
Isa sa mga lumulutang na pangalan na isa sa mga magiging spokesperson ng Palasyo ay ang kilalang kaibigan at political adviser ng Pangulo na si Secretary Ronald Llamas.
Lumabas ang isyu na ito dahil na rin sa mga lumutang na mga usaping pulitikal na kinakaharap ng administrasyong Aquino partikular na itong naging usapin sa Mamasapano.
Napapansin na ng mga political observer na bihira nang humarap sa media sila Presidential spokesman Secretary Edwin Lacierda at Undersecretary Abigail Valte.
Matatandaang nagkaroon na rin ng pagbabago sa sistema ng communication group kung saan nadagdag si Presidential Communication and Operations Office Secretary Herminio Coloma Jr. na naging pangunahing naging tagapagsalita ng Pangulo.(Nel Maribojoc, UNTV News Correspondent)