Pagbabayad ng kontribusyon sa SSS, pinalawig

by Erika Endraca | October 19, 2020 (Monday) | 12037

METRO MANILA – Binibigyan pa ng hanggang sa katapusan ng Nobyembre ang mga employer para sa kanilang hulog sa Social Security System. Sakop nito ang mga hindi naibigay na kontribusyon mula pa noong Pebrero.

Binibigyan din ng kaparehong deadline ang pagbibigay ng hulog na mga self-employed, voluntary at non-spouse maging ang mga employer para sa kanilang mga kasambahay.

Maaaring bayaran ang kontribusyon online pero pakiusap ng sss, gawin na ito agad bago ang deadline.

Samantala, nagbibigay naman ng pagkakataon ang Pagibig Fund para pahabain ang panahon ng pagbabayad ng mga housing loan sa pamamagitan ng special housing loan restructuring program.

Kabilang sa programa ang pagpapababa ng monthly dues, pag-aalis ng mga penalties sa mga di nabayarang hulog at ang pagpapalawig sa nagpapatuloy na pagbabayad sa mga buwan ng Disyembre ngayong taon hanggang March 2021.

Una nang nagbigay ng 60-day grace period ang pagibig para sa iba’t-ibang loan program nito alinsunod sa nakasaad sa Bayanihan 2 law.

Ang programang ito ng SSS at Pagibig ay bilang konsiderasyon ng gobyerno sa epekto ng Covid-19 pandemic sa ekonomiya at hanapbuhay ng mga miyembro nito.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,