Ipinag-utos ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pagbawi sa mga protocol plate na inisyu sa mga mambabatas noong 16th Congress pababa.
Batay sa inilabas na memorandum ng secretary general, ang pagbawi ay dahil na rin sa mga naiulat na mga sasakyang may plakang otso na nasasangkot sa iligal na gawain o nakikita sa mga hindi respetadong lugar.
Nagbigay na rin ng sulat ang Lower House sa Land Transportation Office upang huwag nang tanggapin ang mga low-numbered licence plate ng mga nakaraang kongresista.
Ayon naman kay Navotas City Representative Toby Tiangco, mas mabuting magkaroon ng isang batas na tuluyang magbabawal sa paggamit ng protocol licence plate ng mga kongresista.
Si Tiangco ang nagsusulong ngayon ng house bill 413 para dito.
Suportado naman ng liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang ito.
Ang pagbibigay ng protocol plates ay batay na rin sa inilabas na executive order number 400 at 400-a na nagbibigay ng karapatan sa mga opisyal ng pamahalaan mula sa pangulo ng bansa hanggang sa mga regional trial court judges na gumamit ng mga low numbered plates.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)
Tags: liderato ng Lower House, mga kongresista, Pagbabawal sa protocol plates