Pagbabawal sa paninigil ng deposito sa pasyente kapag sa panahon ng emergency cases, ipinaalala ng PHAP

by Radyo La Verdad | March 2, 2016 (Wednesday) | 1293

PHAP-President-Dr.-Rustico-Jimenez
Noong nakaraang linggo nag-viral sa social media ang facebook post ni Andrew Pelayo kaugnay sa umano’y pagtanggi ng isang doktor sa UST Hospital sa kanyang asawa na nasa kritikal na kondisyon.

Nakasaad sa post na may petsang February 19, dakong alas tres ng madaling araw nang isugod sa UST Hospital ni Andrew ang buntis na asawa na si Sienna dahil sa bleeding.

Sa salaysay, sinasabing tinanggihan umano ng OB-GYN na si Dr.Anna Liezel Sahagun ang pasyente nang mapag-alamang kulang ang perang pangdeposito ng magasawa sa ospital.

Twenty thousand pesos ang umano’y hinihinging downpayment ng nasabing doktor ngunit six thousand pesos lamang ang dalang pera ni Andrew.

Bunsod nito, pinayuhan umano ang mag-asawa na lumipat sa Jose Reyes Memorial Medical Center na isang public hospital, ngunit hindi pa rin na-admit ang pasyente dahil sa kakulangan ng incubator.

Muling bumalik kay Dr.Sahagun ang mag-asawa ngunit muli silang sinabihan na lumipat sa ibang ospital.
Agad na dinala sa East Avenue Medical Center ang pasyente kung saan siya sumailalim sa ceasarian section, ngunit patay na ang sanggol nang mailabas.

Bunsod ng insidenteng ito, muling ipinaalala ng pamunuan ng Private Hospital Association of the Philippines na mahigpit na ipinagbabawal ang paniningil ng deposito sa mga pasyente kung emergency case.

Babala ng PHAP,sinomang mapatutunayang lalabag sa polisiyang ito ay maaring patawan ng suspensyon o tuluyang tanggalan ng lisensya.

Payo naman ni PHAP President Dr. Rustico Jimenez sa mga pasyante, sa halip na idaan sa social media post ang reklamo ay mas makabubuting maghain ng formal complaint sa Philippine Regulatory Commission o sa tanggapan ng Dept. of Health.

Inaalam pa sa ngayon ni Health Secretary Janette Garin ang buong detalye ng insidente at kung may katotohanan nga ba ang naturang viral post bago gumawa ng aksyon.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Philippine Medical Association sa issue.

(Joan Nano/UNTV NEWS)

Tags: , , ,