Simula sa Lunes, February 13 ay hindi na papayagan ng Metropolitan Manila Development Authority na dumaan sa EDSA-Guadalupe ang lahat ng mga pampasaherong jeep na patungong C5, Market-Market, Bonifacio Global City, Pateros at Taguig.
Layon ng naturang hakbang na maibsan ang mabigat na trapiko sa lugar at mapabilis ang oras ng byahe ng mga motoristang dumaraan sa EDSA.
Kanina, ipinatawag ng MMDA at ng mga opisyal ng Brgy. Guadalupe Nuevo ang ilang transport groups, tricycle operators, market vendors at mga negosyante na maapektuhan ng traffic scheme.
Tinalakay sa pulong ang mga panuntunan at polisiya na nakapaloob sa naturang regulasyon upang tiyakin na magiging maayos ang pagpapatupad ng bagong sistema.
Batay sa plano, ang lahat ng mga pampasaherong jeep sa may bahagi ng Magsaysay St. ay hindi na pahihintulutan lumabas ng EDSA, sa halip, daraan ang mga ito sa P. Burgos St. at kakanan palabas ng P.Victor St.
Pabor naman ang mga transport group sa patakarang ito subalit nakiusap sa mmda na dapat tiyaking maayos at maluwag ang mga alternatibong ruta na ilalalaan para sa kanila.
Kaugnay naman nito, mas paiigtingin naman ng mmda ang kanilang mga clearing at anti-illegal parking operations sa lugar lalo’t maraming side walk vendor ang nakapwesto sa Guadalupe.
Nasa higit isang daang mga tauhan ng MMDA ang magtutulong upang maisaayos at maialis ang lahat ng mga nakakasagabal sa rutang daraanan ng mga jeep.
Ang lahat ng mga lalabag sa kautusang ito ay mahaharap sa reklamong disregarding traffic signs na may multang limang daang piso.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)
Tags: epektibo na sa February 13, Pagbabawal sa mga pampasaherong jeep na dumaan sa EDSA-Guadalupe