Paiigtingin pa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang kampanya laban sa mapaminsalang paraan ng pangingisda sa Western Visayas.
Ito ay matapos amyendahan ang ahensya ang Fisheries and Aquatic Resources Order No. 246 kung saan ipinagbabawal ang holbot-holbot fishing.
Sa ilalim nito, huhulihin na ang sinoman na makikitang mayroong danish seine or modified danish seine o tinatawag na holbot-holbot or buli-buli at iba pang katulad nito.
Ang holbot-holbot ay isang uri ng fishing net na malawak at mas malalim ang naabot kesa sa normal na lambat. Kaya naman nakakasira ito sa coral reefs at iba pang marine habitat.
Ang mahuhuling gumagamit nito ay pagbabayarin ng limang beses na halaga sa nakuhang isda o hanggang dalawalang milyong piso.
Pagmumultahin din ng 20,000 piso bawat violator at kukumpiskahin ang lahat ng nakuhang isda, lambat at iba pang gamit sa pangingisda.
Maari din silang makulong ng dalawa hanggang sampung taon at hindi na papayagang makakuha ng permit mula sa BFAR.
( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )
Tags: BFAR, hulbot-hulbot, Western Visayas