Pagbabawal sa expiration ng prepaid load, muling isinusulong sa Senado

by Erika Endraca | November 30, 2020 (Monday) | 647

METRO MANILA – Nananawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa kanyang mga kapwa senador na ipasa na ang panukalang batas na kanyang inihain noong nakaraang taon na magtatanggal sa expiration ng mga prepaid load.

Ayon sa senador, mahalaga ang bawat piso sa mga pamilyang Pilipino na nagigipit ngayon dahil sa pandemya lalo na’t malaking parte ngayon sa pang-araw araw na buhay ang internet at information and communication technologies dahil sa new normal setup.

Bukod pa sa pagiging anti-consumer, hindi rin aniya makatwiran na pagbawalan ang mga telco users na makonsumo nang buo ang kanilang load dahil sa expiration period na hindi naman katulad ng ibang bilihin gaya ng pagkain at gamot.

Sa ilalim ng Senate Bill Number 365 o ang Prepaid Load Forever Act, pagbabawalan ang lahat ng public telecommunication entities at ICT providers na maglagay ng expiration date sa mga prepaid load anuman ang halaga nito.

Sakop nito ang prepaid cards at electronic load para sa mga serbisyong text messaging, mobile data, value added services at mga load sa gadgets para sa internet katulad ng tablets, wifi, dongles at mobile hotspots.

Ang mga mapatutunayang lalabag ay mahaharap sa parusang multa na mula 100,000 hanggang P2M at pagkakakulong ng 2 hanggang 6 na taon. Kasama rin sa parusa ang pagbawi ng business license. Sa kasalukuyan, may 1-year validity ang mga prepaid load para smart communications at globe telecom.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: