Nanindigan si Customs Commissioner Alberto Lina na hindi maaring balewalain na lang ang prosesong isinasaad ng batas upang kaagad agad ay maibalik sa pinanggalingan ang ikalawang batch ng mga container ng basura na ipinasok sa bansa galing Canada.
Ayon kay Lina, kailangan pang mainspeksyon ng BOC kasama ang Department of Environment and Natural Resources kung ano ang totoong laman ng 48 container na inabandona sa Manila International Container Port.
Maglalabas muna ng Decree of Abandonment ang ahensya upang mabuksan ang mga container.
Paliwanag ni Lina, saka pa lamang kikilos ang BOC kapag nakapagsumite na ng report ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno matapos ang inspeksyon.
Giit ng Customs Chief, kailangan nilang masigurong nasusunod ang batas ng Customs at ng DENR sa ganitong mga usapin.
Sinabi naman ni Aileen Lucero, National Coordinator ng Ecowaste Coalition, dapat sundin ni Lina ang panawagan ni Jonas Leones, Director ng Environmental Management Bureau ng DENR, na ibalik agad sa Canada ang shipment dahil wala itong kaukulang import clearance kaya ilegal ang naturang mga kargamento.
Giit ng Environmental Group, hindi dapat pumayag ang pamahalaan na maging tambakan ang bansa ng basura na posibleng dito na lamang sa bansa ma-dispose.
Mahigit isang taon nang nasa pantalan ang mga kargamento na dumating sa bansa ng 4 na batch mula Disyembre 2013 hanggang Enero 2014.
Binigyan diin naman ni Commissioner Lina na kailangan nilang maging maingat sa kanilang gagawing hakbang dahil dapat na isa-alang-alang ang relasyon ng Pilipinas at ng Canada.(Victor Cosare/UNTV News)
Tags: Aileen Lucero, Customs Commissioner Alberto Lina, Ecowaste Coalition