METRO MANILA – Uumpisahan na sa Biyernes (October 29), ang malawakang pediatric vaccination kung saan pwede na ring umpisahan ng mga lokal na pamahalaan ang pagbabakuna sa mga batang may commorbidty na dose hanggang 17 anyos.
Kanya-kanyang paghahanda na ang mga LGU, kabilang na ang listahan ng bata at gagamiting vaccination sites para sa pagbabakuna.
Ayon kay Vaccine Czar at National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Junior, target ng pamahalaan na tapusin ang pediatric vaccination ngayong Disyembre.
“Ang inaano po namin talaga is matapos po yung children vaccination by December kase magkakahalo-halo na po yung vaccination natin sa 3rd dose tsaka sa first dose” ani NTF vs COVID-19 Vaccine Czar / Chief Implementer, Sec. Carlito Galvez Jr.
Nais ng pamahalaan na luwagan na rin ang restriction sa mga bata lalo’t magdadalawang taon na rin ang pandemya.
Bukod pa rito, gusto rin ng pamahalaan na ligtas nang makabalik ang mga estudyante sa face-to-face classes.
“Nakikita po natin na yung ating mga kabataan nagsa-suffer na po ang mental health bigyan natin sila ng leeway to move around, to play, to study, and also magkaroon ng social [interaction] sa kanilang mga kaibigan.”ani NTF vs COVID-19 Vaccine Czar / Chief Implementer, Sec. Carlito Galvez Jr.
Kapag nabakunahan na ang mas malaking populasyon ng mga bata makatutulong din ito sa ekonomiya ng bansa dahil maari na rin silang isama sa pamamasyal at pagkain sa labas.
Sa ngayon, nasa phase 2 na ang pediatric vaccination sa National Capital Region (NCR) kung saan nasa 9,928 na mga batang may comorbidity ang nakatanggap na ng first dose ng COVID-19 vaccines.
(Aiko Miguel | UNTV News)
Tags: COVID-19 VACCINATION, Pediatric