METRO MANILA – Libre pa rin ang mga COVID-19 vaccine kahit na isasagawa na rin ang pagbabakuna sa mga clinic ng mga doctor.
Ayon kay Inter Agency Task Force Deputy Chief Implementer at Testing Czar Sec Vince Dizon, isa itong inisyatibo ng pamahalaan sa Bayanihan Bakunahan 4 na magsisimula sa Huwebes (March 10) hanggang Sabado (March 12).
“Dahil sa gagawin ng mga doctor, ng pma mailalapit natin sa ating mga kababayan ang bakuna lalo pa dahil magbabakuna na tayo ngayon sa mga clinic na mismo ng ating mga bayaning doctor” ani IATF Deputy Chief Implementer/Testing Czar Sec. Vince Dizon.
Ayon kay Philippine Medical Association President Dr Benito Atienza, handa ang mga doktor na makipagtulungan sa IATF upang mabigyan pa ng proteksyon kontra COVID-19 ang nakararaming Pilipino.
Nagpulong ang IATF at pma upang isapinal ang guidelines at listahan ng mga doktor at clinic na bubuksan para sa Bayanihan Bakunahan 4.
Mahalagang mapalawak ang vaccination coverage sa mga rehiyong wala pang 50% ang bakunado kontra COVID-19
Batay sa datos ng NVOC, 1.8 million pa lang ang may booster shot mula sa 6.4 million na na senior citizens na fully vaccinated
Mula naman sa 9.2 million na immunocompromised na fully vaccinated, 2 million pa lang ang may booster shot.
Samantala, isinasapinal na rin ng NVOC ang detalye sa pagbibigay ng 2nd booster o 4th COVID-19 shot sa mga senior citizen at mga may mahihinang immune system o mga kabilang sa A3 sector.
Ayon kay Usec Cabotaje at Sec Vince Dizon, malapit nang maaprubahan ng pamahalaan ang pagbibigay ng 2nd booster shot sa ilang sector.
Inaasahan ng IATF na maabot ang 70 million na target na fully vaccinated kontra COVID-19 na mga Pilipino ngayong Marso at 90 million naman pagsapit ng Hunyo.
(Aiko Miguel | UNTV News)
Tags: Bayanihan Bakunahan 4, NVOC