METRO MANILA – Binabalangkas na ng national vaccination operations center ang ilalabas na guidelines sa edad 12 hanggang 17 taong gulang sa mga batang mababakunahan na laban sa COVID-19.
Ayon kay DOH Undersecretary Myrna Cabotaje, uunahing bakunahan ang mga bata sa Metro Manila na planong umpisahan sa darating na October 15.
Prayoridad sa gagawing vaccination ang mga batay may commorbidity o may karamdaman at balak isagawa ang pagbabakuna sa mga ospital.
“Uumpisahan ang pagbabakuna sa mga may commorbidity, yung may mga medical complexity,yung mga mga heart, respiratory, kidney at saka may iba-ibang problem, pinaguusapan namin kung sa umpisa gagawin muna sa mga ospital para makita kung ano yung mga reaksyon kagaya nung umpisa natin ng pagbabakuna ng COVID-19 diba?” ani National Vaccination Operations Center Usec. Myrna Cabotaje.
At dahil menor de edad, ayon kay Usec.Cabotaje, may consent na pipirmahan sa mga magulang bago bakunahan ang kanilang mga anak.
“Kailangang may parents o guardian consent tapos ang ipinapagdagdag ng ating epxerts all experts panel yung ascend ng bata dapat alam ng bata kung ano yung ibinibigay sa kanya, so pagpunta sa bakuna center yung mga batang may commorbidities kasama yung guardian o parent tapos pagdating sa vaccination site since mauuna yung ating may commorbidity ipakita nila ang medical certificate galing sa mga doktor o pediatrician na nagsasaad kung ano yung mga commorbidities meron ang bata,” ani National Vaccination Operations Center Usec. Myrna Cabotaje.
Sa ngayon tanging Pfizer at moderna vaccine pa lamang ang brand ng bakunang gagamitin sa mga bata, dahil ito pa lamang ang aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).
Hihintayin pa ng vaccination operation center kung mag-aapply ng amendments sa EUA ang ibang brand ng bakuna para sa mga bata kabilang na ang Sinovac na siyang may pinakamaraming supply na dumadating sa bansa.
Tatanggap din ang mga bata ng 2 doses ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Usec. Cabotaje tatagal ang 2 linggo ang pilot testing ng pagbabakuna sa mga bata, at saka magdedesisyon kung tuluyan na itong palalawakin sa iba pang mga lugar.
Bagaman marami narin ang nababakunahan, may ilang mga magulang at mga bata ang may alinlangan pa rin sa pagpapabakuna.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang isinasagawang pre-registration ng mga lokal na pamahalaan para sa listahan ng mga bata na pababakunahan laban sa COVID-19.
(JP Nuñez | UNTV News)
Tags: DOH, Metro Manila