Pagbabakuna laban sa Tigdas, Polio at Rubella, ipagpapatuloy sa October 26 – DOH

by Erika Endraca | October 9, 2020 (Friday) | 11086

METRO MANILA – Sisimulan na sa October 26 ng Department Of Health (DOH) ang pagbabakuna sa mga bata laban sa tigdas, polio at rubella sa anim na rehiyon sa bansa.

Sa phase 1 ng immunization program, target na mabigyan ng measles vaccine ang nasa 4.3-M ng batang Pilipino na nasa edad 9 na buwan hanggang 5 taong gulang.

2.1-M na mga bagong panganak hanggang 5 taon gulang naman ang balak na mabakunahan ng anti polio.

Gagawin ito ng DOH bunsod na rin ng pangambang magkaroon ng measles outbreak kapag hindi nakumpleto ng immunization coverage ngayong taon.

Ayon kay National Immunization Program Manager Dr. Maria Wilda Silva, sa pamamagitan ng pagbabakuna, maiiwasan din ng kagawaran na muling mangyari ang measles outbreak noong 2014 kung saan umabot sa nasa 55,000 ang nagka- tigdas, mahigit 48,000 din ang naitala noong 2019.

“It tells you that your country is the biggest exporter of measles in 2018 to 2019. We want to put a stop on this that’s why it is very critical that we do a quality campaign for 2021 as well as in October 2020 to stop measles from happening in future months and in the next year and we will not be exporting measles when travel is already allowed.” ani National Immunization Program Manager Dr. Maria Wilda Silva.

Bunsod nito ay hinikayat ng pamahalaan ang mga magulang na pabakunahanan ang kanilang mga anak upang mabigyan sila ng proteksyon laban sa mga nakahahawang sakit.

“Ang mensahe po ng president, mga magulang, wag po nating katakutan ang bakuna. Ito pong bakuna na ito sa measles, isa na po ito sa mga pinakaluma, pinakamaagang ginagamit na natin. Bakit pa po natin i-expose ang ating mga mahal sa buhay samantalang may tried and proven bakuna laban diyan.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Dahil may umiiral na pandemya, magse- set up ang mga health worker sa brgy. hall o gym para sila mismo ang puntahan ng mga magulang at kanilang mga anak .

Tiniyak ng DOH na masusunod ang health protocol gaya ng physical distacing sa pagbabakuna.

Tatagal ang phase 1 immunization program na ito hanggang November 25 habang nakatakda namang gawin ang phase 2 nito sa Pebrero 2021 sa 6 pang rehiyon kabilang ang Metro Manila.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , ,