Pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga batang 5-11 yrs. old, ipinagpaliban sa Feb. 7

by Radyo La Verdad | February 4, 2022 (Friday) | 1110

METRO MANILA – Nasa 780,000 doses ng reformulated Pfizer vaccines na gagamitin sa pagsisimula ng bakunahan para sa 5-11 years old ang inaasahan sanang darating kagabi (February 3).

Ngunit ayon kay Presidential Adviser for COVID-19 Response Secretary Vince Dizon, nagkaroon ng problema sa logistics provider kaya hindi nakarating ang mga bakunang binili ng pamahalaan.

At dahil made-delay ang pagdating ng mga bakuna, hindi na rin muna itutuloy ngayong araw ang nakatakda sanang bakunahan para sa mga batang 5 to 11 years old.

Sa halip, iniurong na lamang ng pamahalaan sa lunes, February 7 ang gagawing bakunahan

“Nagkaroon ng kaunting aberya sa transport ng vaccines natin ng 5-11 years old, so ‘yung arrival nya na-postpone from tonight to tomorrow night, so dahil doon ipo-postpone din natin yung launch na dapat mangyayari bukas, maglo-launch na tayo sa Lunes, Feb. 7” ani Presidential Adviser for COVID-19 Response Sec. Vince Dizon.

Naglabas na rin ng kaniya-kaniyang announcement ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa nangyaring postponement ng COVID-19 vaccination sa mga bata.

Ang San Juan City, agad na nag-text blast sa mga magulang na kanselado muna ang pagbabakuna ngayong araw.

Bagaman maaantala, inihanda pa rin ng LGU ang San Juan Gym na isa sa napiling venue para sa pediatric vaccination.

Ayon kay Mayor Zamora, gagawin nilang mala-children’s party ang tema ng venue upang hindi matakot sa pagpapabakuna ang mga bata.

Magkakaroon din ng mga coloring activities, balloon making, cosplaying, mascots, at magic show.

Naglagay rin ng harang sa mismong vaccination area upang hindi makita ng ibang mga bata ang pagbabakuna sa iba pang mga kabataang binabakunahan.

Ang National Children’s Hospital naman, nakapagsagawa na ng simulation kahapon (February 3).

Nasa halos 1,500 ang nakarehistro na para bakunahan sa National Children’s Hospital.

Maglalagay naman sila ng television set sa area ng vaccination para may libangan ang mga batang babakunahan

Ang Manila Zoo naman sa Maynila, inilagay ang vaccination area sa mismong harapan ng aviary section kung saan direktang makikita ng mga bata ang ilang mga ibon para malibang sila habang binabakunahan

Maaari naman humabol sa registration ang iba pang mga bata na nais nang magbakuna na hindi pa nakakapagpalista sa kanilang mga LGU.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: