Pagbabago sa Community Quarantine Status sa mga lugar sa bansa, nakadepende sa desisyon ni Pres. Duterte – Malacañang

by Erika Endraca | June 15, 2020 (Monday) | 3486

METRO MANILA – Nakabalik na sa Metro Manila si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa Davao City.

Inaasahang ia-anunsyo niya mamayang gabi ang desisyon kung may mga mangyayaring pagbabago sa quarantine restrictions sa iba’t ibang bahagi ng bansa bukas, June 16.

Bago ito, makikipagpulong din ngayong araw ang Punong Ehekutibo sa Inter-Agency Task Force (IATF) kontra COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, forwarded na kay Pangulong Duterte ang recommendation ng IATF hinggil sa Community Quarantine sa bansa.

Dagdag pa ng opisyal, may ilang miyembro ng gabinete ang Punong Ehekutibo na suportado ang panukalang manatili ang GCQ sa NCR gayundin sa Cebu City dahil nananatiling mataas ang kaso ng Coronavirus Disease.

Gayunman, na kay Pangulong Duterte pa rin ang pinal na desisyon dahil isasaalang dito ang usapin sa isyu ng kalusugan at ekonomiya.

Dagdag pa ng palace official, 3 lang din ang pagpipilian na maging quarantine restrictions sa Metro Manila at Cebu City:

Manatili sa General Community Quarantine, bumalik sa Modified Enhanced Community Quarantine o ibaba sa Modified General Community Quarantine.

Samantala, nitong weekend, kumalat sa social media ang ulat na muling babalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

Subalit, ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, fake news ito.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,