METRO MANILA – Hindi ang mga naipatayong imprastraktura o kaya ay ang halaga ng pondong ginastos ng pamahalaan ang batayan sa naging liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nakalipas na mga taon.
Ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, ito ay nakadepende sa uri ng pagbabagong naihatid ng paglilingkod sa buhay ng mga Pilipino.
Ginawa nito ang pahayag sa day 1 ng Duterte Legacy Summit ng gabinete ng presidente, 1 buwan bago tuluyang lisanin ng pangulo ang palasyo sa June 30, 2022.
Kinilala rin nito ang naging bahagi ng lahat ng mga kawani ng gobyerno sa pagbabago na mararamdaman maging ng paparating na mga henerasyon.
Samantala, ilang Pilipino naman ang nagbahagi ng kanilang pananaw sa mga partikular na programang isinulong ng administrasyong Duterte na tumatak sa kanila at nakaapekto sa kanilang mga pamumuhay.
Partikular na sa usapin sa paglaban sa iligal na droga at mga proyektong imprastraktura.
Hiling din nila na maipagpatuloy sana ang mga ito ni President-elect Bongbong Marcos Junior.
Tinanong naman si Sec. Medialdea sa plano ng presidente pagkatapos ng kaniyang termino sa katapusan ng Hunyo.
Nabanggit ng opisyal na plano ng outgoing president na magturo sa Davao.
Patapos na rin aniya itong mag-empake ng kaniyang gamit sa Malacanang.
Sa isyu naman ng pagiging anti-drug czar, wala pa umanong natatanggap na pormal na alok ang presidente mula sa incoming president-elect BBM subalit hindi nito batid kung ano ang magiging desisyon ng punong ehekutibo kaugnay ng isyu.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Duterte administration