Pagbababa sa Level 3 ng COVID-19 Alert Level sa Metro Manila, mataas ang tsansa – Malacañang

by Erika Endraca | October 12, 2021 (Tuesday) | 771

METRO MANILA – Inaabangan na ang magiging desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa susunod na COVID-19 alert level  na ipatutupad sa Metro Manila pagkatapos ng October 15.

Subalit para sa Malacañang, mataas ang tsansang bumaba sa alert level 3 ang kapitolyo dahil sa  moderate risk level.

“Alam ninyo po, datos ang nagsasabi kung bababa ang quarantine classification. Ang mabuting balita po ay pagdating po sa ICU capacity eh for the first time po in many, many months ang metro manila po ay nasa moderate risk and that is also a factor to consider in lowering quarantine classification.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Sa ilalim ng alert level 3, mas marami ang makakapagtrabaho dahil mas maraming establisyimento at business activities ang pahihintulutan liban na sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdowns.

Gaya ng maximum 30% on-site venue o seating capacity sa indoor visitor o tourist attractions, libraries, museums, indoor venues para sa meetings, incentives, conferences, events, indoor recreational events, indoor face to face o in-person examinations, in-person religious gatherings, neurological services, wakes, social events, indoor dine-in services, at iba pa.

Samantala, mayroon ding mga ibang establishment at activities na maaaring mag-operate sa 100% venue capacity subalit dapat maipatupad ang minimum public health standards.

Kinakailangan namang pang pag-aralan ng pamahalaan kung ano ang epekto ng pagpapatupad ng pilot COVID-19 alert level system sa Metro Manila.

Para naman sa Octa Research Group, posible na ring maibaba ang National Capital Region under low-risk classification sa katapusan ng Oktubre.

“Base sa aming pagtataya tingin namin pwede nang talagang ibaba sa alert level 3 at maaring possibleng rin na alert level 2 dahil nakikita nga natin moderate risk na sa Metro Manila”ani Octa Research Group Fellow,  Prof.Guido David.

(Rosalie Coz | UNTV News)