Pagbababa sa Level 2 ng COVID-19 Alert sa NCR sa kalagitnaan ng Nobyembre, suportado ng Octa

by Radyo La Verdad | November 2, 2021 (Tuesday) | 2663

METRO MANILA – Nasa low risk classification na ang buong National Capital Region (NCR). Kaya naman ayon sa Octa Research Team, bumuti na ang sitwasyon sa epicenter ng COVID-19 pandemic sa Pilipinas.

Ayon kay Prof Guido David, wala silang nakikitang dahilan para hindi luwagan ang alert level sa Metro Manila at ibaba sa Alert Level 2.

“We don’t see a reason at this time, wala naman tayong nakikitang variant of threatening sa atin sa ngayon. Ang naririnig nating delta plus na ay.4.2 na nasa UK at Russia wala pa naman siya dito mas bumababa na ang resurges dahil mas madami na ang protektado sa metro manila, so ayun nga we support ang pag-relax sa alert level 2 para makabawi ang ating mga negosyo pero we should do so in a safe manner” ani Octa Research Team Fellow, Prof. Guido David.

Ayon pa sa Octa, mataas na ang vaccination rate ng adult population sa NCR at malapit nang umabot sa 100%. Kaya naman ang rekomendasyon din ng nito na gawin nang full capacity ang public transportation.

Sa datos na hawak ng grupo, nasa 30% na lang ang bed utilization sa mga ospital na dating puno ng COVID-19 patients. Habang 39% naman ang ICU utilization rate

May ilang ospital ang nasa 60% pa dahil ang mga ito ang preferred hospitals para sa COVID-19 patients.

Sapat na rin ang COVID-19 testing ngayon sa rehiyon dahil naabot na ang 5% benchmark ng World Health Organization (WHO).

Nasa 8% naman ang positivity rate sa buong bansa dahil ang ilang probinsya nangangailangang itaas ang kanilang testing capacity.

Batay sa monitoring ng Octa Research Team, kaunting probinsya na lang ang tumataas ang bilang ng kaso gaya ng Occidental Mindoro at Zamboanga City

Samantala ayon pa sa Octa, kailangan na lang na magtuloy- tuloy ang pagbaba ng kaso sa buong bansa lalo na sa NCR upang lalong bumuti ang sitwasyon bago matapos ang taong 2021.

Pakiusap lang din ng mga eksperto patuloy man ang pagbaba ng COVID-19 cases at pagdami ng nababakunahan kontra COVID-19.

Hindi ibig sabihin, malaya na ang lahat na magsagawa ng malalaking pagtitipon, mamasyal at magkumpulan sa public places at magkita-kita na parang walang pandemya.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,