Pagbaba sa minimum na pasahe sa jeep sa P9, dapat dumaan sa hearing – transport and commuters group

by Radyo La Verdad | December 5, 2018 (Wednesday) | 5256

Sa pangalawang pagkakataon ay nakansela ang pagdinig sa petisyon ng commuters group na ibaba sa P8 ang minimum na pasahe sa jeep.

Ayon kay RJ Javellana ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), bitin ang ginawang rollback ng LTFRB dahil malaki ang ibinaba ng presyo ng produktong petrolyo.

Maging ang pasahe sa bus aniya ay dapat na ring ibaba. Kahapon ay epektibo na ang pagbaba ng minimum na pasahe sa jeep sa P9 mula sa P10.

Nanindigan rin ang mga transport group na dapat idinaan ng LTFRB sa hearing ang pagbaba sa pamasahe.

Ayon kay Efren De Luna ng ACTO, hindi lang naman sa paggalaw ng produktong petrolyo dapat ibatay ang pagtaas o pagbaba ng pasahe sa jeep.

May mga gastusin din anila silang dapat ikunsidera gaya ng maintenance ng sasakyan, mga discount ng senior citizens at estudyante, ang color coding at ang matinding traffic sa mga kalsada. Matagal din anilang nabinbin ang kanilang petisyon na fare increase kaya’t malaki na ang nawala sa kanilang kita.

Kakampi naman ng commuters at transport group si dating LTFRB Board Member Aileen Lizada.

Ayon kay Lizada, minadali ang resolusyong babaan ang pamasahe sa jeep.

Subalit paglilinaw ng dating LTFRB board member, may kapangyarihan ang ahensya na magbaba ng pamasahe kahit walang nakahaing petisyon at kung hindi permanente ang huling ginawang pagtataas sa pasahe.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,