Pagbaba ng bilang ng mahihirap at walang trabaho sa susunod na taon, wala pa ring katiyakan ayon sa Civil Society Groups

by Radyo La Verdad | December 31, 2015 (Thursday) | 1889

PROF.-LEONER-MAGTOLIS-BRIONES
Positibo ang pananaw ng karamihang pilipino sa darating na taong 2016.

Sa pinakahuling survery ng Pulse Asia, halos siyam sa bawat sampung pilipino ang umaasang gaganda ang kanilang buhay sa susunod na taon.

Inaasahan namang lalago ng mula pito hanggang mahigit walong porsyento ang ekonomiya o Gross Domestic Product ng Pilipinas sa 2016.

Ngunit ayon sa Social Watch Philippines, walang katiyakan na magbubunga ito ng pagbaba sa bilang ng mahihirap at walang trabaho.

Ito’y dahil ang inaasahang pagsipa sa gdp ng bansa ay dala lamang ng paparating na halalan.

Paliwanag ni Social Watch Philippines Lead Convenor Prof. Leoner Magtolis Briones, totoong may malilikhang trabaho dahil sa election spending o paggugol kaugnay ng halalan sa mayo ngunit magiging panadalian lamang ito.

Halimbawa nito ang kaliwa’t kanang kontruksyon o pagpapagawa ng kalsada.

May panandaliang trabaho ring maibibigay dahil sa pangangampanya ng mga kandidato gaya ng mga taga bigay ng polyeto at taga dikit ng mga streamer at tarpaulin.

Kayat payo nito sa mga boboto, maging matalino sa pagpili ng kandidato.

Mahalagang suriin ang isinusulong na programa at kung ano ang magagawa at gagawin ng mga kandidato kapag nailuklok na sila sa pwesto.

(Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: ,