PAGASA, nagpa-alala sa publiko na huwag basta maniwala sa mga kumakalat sa social media na pagtama ng malakas na bagyo sa bansa

by Radyo La Verdad | December 11, 2017 (Monday) | 9641

Pinabulaanan ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration o PAGASA ang kumakalat sa social media na may tatamang umanong bagyo sa Pilipinas na kasing lakas ng bagyong Yolanda.

Ayon kay PAGASA Administrator Dr. Vic Malano, hanggang sa matapos ang 2017 ay wala silang nakikitang sobrang lakas na bagyong mananalasa sa bansa subalit maaari itong maulit sa hinaharap. Nanawagan din ang PAGASA sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon na tigilan na ang paggawa nito.

Samantala, sasailalim sa rehabilitasyon ang flood forcasting and warning system sa Bicol River basin na pinondohan ng Japanese government ng 900 million yen o mahigit sa 400 milyong piso. Nasasakop ang kahabaan ng ilog na mula sa lalawigan ng Albay hanggang sa Camarines Sur.

Ayon kay Secretary Fortunato Dela Peña ng DOST, pangatlo ang Pilipinas sa pinaka lantad na bansa sa mundo sa mga bagyo gayon din sa iba pang natural disaster.

Ayon naman kay Camarines Sur Governor Migs Villafuerte, malaking tulong ito para sa kanilang lalawigan na bukod pa sa kanilang sariling monitoring equipments.

Noong 2016 lamang ay daang libong pamilya ang naapektuhan nang manalasa ang bagyong nina sa Camarines Sur.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,