Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na mahigpit ang ginagawa nilang pagbabantay sa mga baybayin at border ng bansa.
Kasunod ito ng sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kahapon na may nakarating sa kanilang impormasyon na may mga Pinoy terrorist na nagsanay pa sa Iraq ang posibleng bumalik sa bansa.
Ayon pa sa AFP, katuwang ng Pilipinas ang mga karatig na bansa tulad ng Malaysia at Indonesia para sa mas pinaigting na border patrol.
Katunayan, noong nakaraang Hunyo ay sinimulan na ang joint maritime patrol ng Pilipinas, Malaysia at Indonesia upang labanan ang terrorism, piracy at transnational crimes.
Kasama rin sa napagkasunduan ang pagbabahagi ng intelligence report para sa mas mabilis na paglaban sa terorsimo.
Sa ngayon, ayon sa AFP wala pa silang namomonitor na anomang banta ng terorismo sa bansa. Gayunpaman, tiniyak nito na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang labanan ang terorismo.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: AFP, Iraq, Pinoy terrorist