Pag-phase out sa mga tricycle, uumpisahan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City

by Radyo La Verdad | September 24, 2018 (Monday) | 7949

Matapos ang planong phase out sa mga jeep, isusunod naman ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pag-phase out sa mga tricycle. Pero hindi ito magagawa ng biglaan kung kayat dahan-dahan itong ipatutupad.

Papalitan ng Quezon City Government ng mga modernong electric tricycle ang mahigit dalawampu’t limang libong registered tricycle sa buong lungsod.

Ang mga electric tricycle ay donasyon mula sa bansang Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Pag-aaralan muna ng lokal na pamahalaan sa loob ng tatlong buwan kung magiging epektibo ang mga e-trike kapalit ng regular na tricycle.

Isang dry run ang uumpisahan ng QC Government sa pamamagitan ng pagdedeploy ng tig lilimang e-trike sa tatlong ruta sa South Triangle kabilang ang EDSA Kamuning, Scout Chuatoco at Panay Avenue.

Ayon sa lokal na pamahalaan, inihahanda nila ang programa na iaalok sa mga tricycle driver upang matulungan ang mga ito na makalipat sa modernong e-trike.

Sa pamamagitan ng dropping and substitution ay papalitan ang mga tricycle. Bawat e-trike ay nagkakahalaga ng mahigit 400 daang libong piso  kumpara sa regular na tricycle na nagkakahalaga ng 200 libong piso.

Anim na tao ang kayang isakay ng e-trike na may bilis na hanggang 40 kilometer per hour at kayang tumakbo ng hanggang 60 kilometer kapag full charge.

Sang-ayon naman ang mga tricycle driver bastat huwag lamang daw sila bibiglain gaya ng ginawa ng pamahalaan ng mga jeepney operator.

Ang mga tricycle ay nasa hurisdiksyon ng mga lokal na pamahalaan at wala sa ilalim ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,