METRO MANILA, Philippines – Matatapos na sa Disyembre ang 6 na Buwang pilot trial run na ibinigay ng Department of Transportation(DOTr) sa motorcycle ride hailing service na Angkas. Layon nito na matukoy ng pamahalaan kung maari na nga bang payagan ang operasyon ng mga motorycle taxi sa bansa.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport Mark De Leon, sa ngayon ay on-going ang kanilang evaluation sa operasyon ng Angkas. At hindi nila pinapayagan ang pagpasok ng mga bagong motorcycle taxi sa Pilipinas.
Ngunit sa kabila nito, isang bagong motorcycle taxi ang nakatakdang umarangkada sa bansa na magiging kakumpitensya ng Angkas. Ito ay ang Joy Ride PH. Sa kanilang official facebook page, Setyembre pa ng magsimulang tumanggap ang Joy Ride PH ng mga driver-operator na nais pumasok sa kanilang platform.
Ayon pa sa management nito, nasa P1,500 ang arawang sweldo dito ng mga driver. Ngunit hindi pa idinedetalye kung kailan ito opisyal na ilulunsad sa bansa. Ayon sa DOTr ang anomang operasyon ng mga pampublikong sasakyan na hindi pinahihintulutan ng pamahalaan ay maituturing na kolorum.
Sa ilalim ng batas,maaring patawan ng libo-libong multa ang mga mahuhuling kolorum na sasakyan. Paliwanag ng DOTr, nauunawaan nila ang pangangailangan sa maayos at kumbinyenteng transportasyon para sa ating mga kababayan. Ngunit igiinit rin nito ang importansya ng pagsasaalang-alang ng kalistasan ng mga mananakay.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: DOTr, motorcycle taxi