Pag-imprenta sa 2.8 milyong na balota para sa plebisito sa BOL, natapos na ng Comelec

by Radyo La Verdad | December 12, 2018 (Wednesday) | 5775

Sa ika-21 ng Enero isasagawa ng Commission on Elections (Comelec) ang plebesito sa Autonomous Region on Muslim Mindanao (ARMM), Isabela City sa Basilan at Cotabato City.

Dito pagbobotohan kung payag ang mga residente sa Bangsamoro Organic Law (BOL) na siyang bubuo sa bagong Bagsamoro region.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, isa pang plebisito ang isasagawa naman sa Pebrero para sa 19 na barangay na nais ding maging bahagi ng Bangsamoro.

Ayon kay Jimenez, nakapag-imprenta na sila ng 2.8m na balota para sa plebisito at inuumpisahan na nila ang pagkakalat nito sa mga lugar na pagsasagawaan ng botohan.

Umaasa naman ang dating commisioner ng Bangsamoro Transition Commission na si Samira Gutoc na magiging maayos ang isasagawang plebisito.

Nangangamba ito sa maaaring kahihinatnan kung hindi  maipatutupad ang BOL lalo na’t may nakahain ngayong petisyon sa Supreme Court laban dito.

Pero ayon kay Gutoc, hindi makakabuti sa botohan ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao. Maging ang mga kasama ni Gutoc na tumatakbong senador ay tutol din sa martial law sa Mindanao.

Giit naman ng Comelec at maging ng palasyo, paborable sa eleksyon ang martial law sa Mindanao.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,