Pag-iisyu ng subpoena kay Chief Justice Sereno, pinag-aaralan ng House Committee on Justice

by Radyo La Verdad | November 27, 2017 (Monday) | 4277

No show si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa unang pagdinig ng House Committee on Justice upang alamin kung may probable cause ang inihaing impeachment complaint laban dito.

Ayon kay Chairman Reynaldo Umali,  isa ngayon sa mga tinitingnang opsyon ng kumite ay ang posibilidad ng pag-iisyu ng subpoena sa punong mahistrado upang personal na sagutin ang mga alegasyon na nakasaad sa impeachment complaint.

Subalit ayon kay Atty. Winnie Salumbides, isa sa mga abugado ni CJ Sereno, labag sa konstitusyon ang sapilitang pagpapadalo sa pagdinig nang sinumang inaakusahan.

Ayon pa sa abogado, kung tuluyang lalabagin ng kumite ang karapatan ni CJ Sereno, hindi sila magdadalawang isip na humingi ng tulong sa Korte Suprema.

Kaya naman sa ngayon, mas gusto  nilang iakyat agad sa senado ang impeachment complaint na inaasahan nilang magbibigay ng patas na pagtrato sa punong mahistrado.

Nakahanda umano si CJ Sereno na humarap sa impeachment court.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,