Pinirmahan na kaninang umaga ni Labor Sec. Silvestre Bello III ang Department Order No. 185 na pansamantalang nagsususpindesa pag-iisyu ng Overseas Employment Certificates o OEC sa mga bagong aplikante. Epektibo na ito sa Lunes, November 13 at tatagal hanggang sa December 1 ngayong taon.
Ayon kay Sec. Bello, bunsod ito ng nakababahalang problema sa illegal recruitment na dapat ay masolusyunan ng kagawaran.
Dagdag pa sa kalihim, bagaman may tinatayang 75,000 na mga bagong aplikante ang maaantala sa kanilang pangingibang-bansa, hindi naman nito matutumbasan ang libo-libo pang Pilipino na matutulungan sakaling masawata ang mga illegal recruiter.
Nilinaw naman ng DOLE na hindi naman saklaw ng D.O. ang mga manggagawang kinuha ng international organizations at miyembro ng diplomatic corps, mga miyembro ng royal family at sea- based recruitment agencies.
Ayon pa kay acting POEA Admin Usec. Olalia, isa sa mga kasong naiulat sa kanila ang pamemeke sa OEC’s ng mga direct hire na posibleng kinasasangkutan ng ilang opisyal at empleyado ng POEA.
Kaya bunsod nito, pa-iimbestigahan aniya ang mga tauhan ng ahensya at kung mapapatunayang sangkot sa iligal na gawain ang ilan, ito ay tatanggalin sa pwesto.
Labinlimang araw tatagal ang suspensyon, ngunit maari pa itong palawigin o masundan hangga’t hindi nasosolusyunan ang malawakang operasyon ng illegal recruitment sa bansa.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: DOLE, OEC, Sec. Bello