Pag-iisyu ng bagong fare matrix, inilipat na sa central office ng LTFRB

by Radyo La Verdad | November 7, 2018 (Wednesday) | 4060

Maluwag at halos walang pila ng mga operator sa central office ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Dito inire-release sa mga operator ang bagong fare matrix o taripa, kasunod ng implementasyon ng dagdag pasahe sa jeep at bus.

Ayon sa ilang operator, ikinagulat nila ang mabilis na pag-iisyu ng fare matrix dahil halos inabot lamang sila ng tatlumpung minuto kasama na ang kanilang pagpila.

Subalit ang inirereklamo ng mga ito ay ang pahirapang sitwasyon sa LTFRB-NCR office kung saan ipino-proseso ang assesment ng mga dokumento at pagbabayad ng taripa.

Ang ilan sa kanila, alas kwatro pa lamang ng madaling nakapila na sa LTFRB. Subalit inabot pa sila ng hanggang ala-una ng hapon at hindi pa rin napoproseso ang kanilang mga dokumento.

Pinuntahan ng news team ang LTFRB-NCR office upang makita ang aktwal na sitwasyon, subalit hindi kami pinayagan ng mga security na makapasok.

Paliwanag naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra, bago pa ang undas ay nakahanda na ang mga taripa at hindi naman aniya talagang maiiwasan ang pagdagsa ng mga operator.

Bukod sa pahirapang proseso, inirereklamo rin ng mga operator ang biglaang pagtataas ng fee na kanilang binabayaran sa pagkuha ng taripa.

Ayon naman kay chairman Delgra, pag-aaralan nilang muli ang naturang processing fee sa pagkuha ng fare matrix. Pero tiniyak nito na ang lahat ng perang nakokolekta dito ay inire-remit rin ng LTFRB sa national treasury.

Samantala, patuloy naman ang isinasagawang review ng LTFRB sa kasalukuyang sinisingil na pamasahe, alinsunod sa direktiba ng DOTr na muli itong pag-aralan dahil sa sunod-sunod na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,