Pag-atake ng umano’y mga NPA sa Samar, kinundena ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | December 19, 2017 (Tuesday) | 2599

Kinundena ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang pag-atake ng nasa limampung umano’y miyembro ng New People’s Army sa dalawang tropa ng gobyerno na inatasang magdala ng supply ng pagkain sa mga biktima ng bagyong Urduja sa Northern Samar noong Sabado ng hapon. Sugatan sa insidente ang dalawang sundalo.

Pinaalalahanan ng punong ehekutibo ang miyembro ng Sandatahang Lakas laban sa mga banta ng teroristang grupo lalo na ngayong malapit na ang anibersaryo ng grupo sa Disyembre a-bente sais.

Una nang sinabi ng Philippine National Police na naka-alerto na sila para sa mga posibleng pag-atake ng NPA kasabay ng kanilang anibersaryo lalo na at sinabi ng Pangulo na hindi ito magdedeklara ng ceasefire sa mga rebelde ngayong holiday.

Dagdag pa ng Pangulo, dapat pang paigtingin ang intelligence gathering ng Sandatahang Lakas upang hindi na makalusot ang mga insurgent.

Aminado naman ang punong ehekutibo na bagamat may pera upang makabili, kulang pa rin sa supplier ng mga bagong armas ang Pilipinas.

Ginawa ng Pangulo ang mga pahayag sa Camp Crame nang gawaran nito ng Order of Lapu-Lapu ang isandaan at apat na tauhan ng Bureau of Fire Protection, PNP at Bureau of Jail Management and Penelogy o BJMP na nagpakita ng di matatawarang serbisyo sa 5 buwang bakbakan sa Marawi City.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,