Pag-atake ng armadong grupo sa isang military outpost sa Pigcawayn, Cotabato, minaliit ng militar

by Radyo La Verdad | June 21, 2017 (Wednesday) | 1605


Di itinanggi ng militar na maaaring diversionary tactic ang ginawang pag-atake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter o BIFF sa isang Citizens Armed Forces Geographical Unit o CAFGU outpost sa Pigcawayan, Cotabato kaninang madaling araw.

Lalo na’t isa ang BIFF sa mga nagpahayag ng pagsuporta sa isis at nakikipagsanib sa Maute terrorist group.

Batay sa ulat, sinubukang pasukin ng BIFF ang outpost na malapit sa isang paaralan subalit agad na nakatugon ang pwersa ng pamahalaan.

Sa pag-atras ng BIFF, ginamit nitong pananggalang ang nasa limang sibilyan.

Ipinahayag ng militar na di ito spillover ng nangyayaring kaguluhan sa Marawi City at di rin ito naniniwalang makapaglulunsad ng malaking paglusob ang teroristang grupo sa ibang lugar sa Mindanao.

Ayon sa militar, nanamantala lamang ang BIFF at nais ipakitang umiiral pa ang pwersa ng grupo.

Gayunman, iginiit ng AFP na nananatiling nakaalerto ang tropa ng pamahalaan sa Mindanao at handang tumugon sa anumang gagawin ng mga armadong grupo.

Nagbabala naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa posibilidad ng pambobomba ng ISIS sa Mindanao.

Ito ay kahit matapos pa ang kaguluhan sa Marawi City.

Kasabay nito ay sinabi ng pangulong nakatakda itong makipag-usap kay indonesian president joko Widodo hinggil sa isyu ng seguridad sa bansa.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,