Isda, gulay, bigas at asukal, ilan lamang ang mga ito sa natukoy ng National Price Coordinating Council (NPCC) na mga bilihin na pangunahaning nagkaroon ng pagtaas sa presyo.
Kaya naman ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) na myembro ng konseho, sisimulan na ng pamahalaan ang pag-angkat o importasyon ng ilang mga produkto upang masolusyunan ang pagtaas ng mga presyo.
Maglalagay rin ng limang porsyento na taripa sa presyo ng mga aangkating produkto ang pamahalaan. Ito ay upang ma protektahan rin ang mga industriya at mga magsasaka na maaapektuhan ng taripa na ipapataw sa asukal at bigas.
Ayon sa chairman ng NPCC at kalihim ng DTI na si Sec. Mon Lopez, ang pagtaas sa presyo mg produktong petrolyo ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ani Lopez, hindi ang implementasyon ng tax reform law ang may kasalanan sa mataas na presyo ng mga produkto.
Iba naman ang suhestyon ng isang consumer group. Para sa Laban Konsyumer, dapat ipatupad ang moratorium sa price increases lalo na sa mga kasama sa expanded suggested retail price (SRP) list. Iwasan muna ang pagtangkilik sa mga easy open can na mga de lata dahil mas mahal ito kumpara sa ibang sardinas at canned meat.
Magbigay ng sampu hanggang limampung porsyento na diskwento sa NFA rice, at mahigpit na monitoring ng mga presyo sa lahat ng mga pamilihan sa buong bansa.
Pakiusap ng pamahalaan sa publiko, magtiis pa ng mga tatlong buwan upang maramdaman ang epekto ng kanilang gagawing solusyon, sa panahon daw na ito maipatutupad ang iba’t-ibang hakbang na magpapababa sa presyo ng mga bilihin.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )