Pag-amyenda sa omnibus election code, pinaboran ng dating pinuno ng COMELEC

by Radyo La Verdad | May 24, 2016 (Tuesday) | 1231

Christian-Monsod
Sang-ayon si dating COMELEC Chairman Christian Monsod sa kagustuhan ng kasalukuyang pinuno ng poll body na amyendahan na ang omnibus election code upang umakma ang mga batas sa automated election system.

Ayon kay Monsod, isa sa dapat pagtuunan ng pansin ay ang paggastos ng mga kandidato bago ang pagsisimula ng campaign period na hindi magawang iregulate ng COMELEC.

Isa rin sa iminumungkahi ng dating poll chief ay ang pagpapatupad ng one year ban sa mga appointed government officials bago muling kumandidato.

Dapat ding pag-aralan ang pagkakaroon ng rearrangement sa structure ng COMELEC kung saan may bahagi na lang na nakatuon sa quasi judicial function ng poll body samantalang ang mas malaking bahagi ang para sa election management o pamamahala ng halalan.

Kailangang maisama rin sa isasagawang amyenda kung paano malalabanan ang vote buying, ang pagkakaroon ng mga warlord at ang ilang depekto sa pagpili ng kandidato ng mga partido.

Unana ng sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na pagkatapos ng 2016 elections, pag-aaralan ng COMELEC ang pagsusulong ng pagbabago sa election code at kabilang dito ang posibleng pagsasantabi na sa laderized system ng canvassing bago magproklama ng mga nanalong national candidates.

Ayon kay Bautista, sa automated elections mabilis nang nalalaman kung sino ang ibinoto ng maraming Pilipino subalit hindi kaagad mai-proklama dahil kailangan munang dumaan sa municipal o city Board of Canvassers at Provincial Board of Canvassers ang boto para sa national positions.

(Victor Cosare/UNTV NEWS)

Tags: ,