Pag-amyenda sa Oil Deregulation Law, ipinasa na ng House panel  

by Radyo La Verdad | March 16, 2022 (Wednesday) | 621

Agad na inaprubahan ng House Committee on Energy ang mga panukalang mag-aamiyenda sa Republic Act number 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998.

Ipinapanukala ni Marikina City 2nd District Representative Stella Luz Quimbo na maisama ang Philippine Competition Commission sa DOE-DPJ Task Force. Ito ay upang matiyak  ang prinsipyo ng patas na kompetisyon sa merkado.

Nais rin ng mambabatas na bigyan ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na makontrol ang ipinapataw na buwis sa produktong petrolyo.

“I would further proposed to grant the President the power to suspend or decrease the fuel excise tax rate when the buy mop price 80 dollars per barrel,” ani Rep. Stella Luz  Quimbo, 2nd District, Marikina City.

Itinutulak naman ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate ang tuluyang pagpapawalang bisa sa Oil Deregulation Law.

“Ibasura na itong Oil Deregulation Law because after 24 years nakita natin ang napakasamang epekto nito hindi lang sa ating ekonomiya kundi sa ating mga mamamayan, ipinanukala nga natin na dapat ibalik na ito sa regulated regime,” pahayag ni Rep. Zarate, Bayan Muna Partylist.

Inaprubahan rin ng komite ang mosyon ni Zarate ukol sa panawagang special session kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“This committee is asking President to held special session were not doing it individually but as a whole,” ayon kay Rep. Juan Miguel Arroyo, Chairman, House Committee on Ways and Means.

Giit ni House panel Chairman Juan Miguel Arroyo, mapapawalang kabuluhan ang pagpapasa nila ng mga panukalang ito kung hindi magkakaroon ng special session ang kongreso.

Nel Maribojoc | UNTV News

Tags: