Pag-amyenda sa Juvenile Delinquency Act, nilinaw ni Rep. Alvarez

by Radyo La Verdad | July 11, 2016 (Monday) | 1331

incoming-House-Speaker-at-Davao-del-Norte-Rep-Pantaleon-“Bebot”-Alvarez
Nilinaw ni incoming House Speaker at Davao del Norte Rep Pantaleon “Bebot” Alvarez na ang kanyang panukalang amyendahan ang Juvenile Justice Act of 2006 ay hindi upang patawan ng mabigat na parusa ang mga menor de edad na masasangkot sa krimen at hindi upang ikulong ang mga ito.

Bunsod ito nang pagtutol nina Senators Bam Aquino at Kiko Pangilinan na ibaba sa siyam na taong gulang ang mga menor de edad na maaring maakusahan sa isang krimen.

Sinabi ni Alvarez na hindi layon ng kanilang panukalang batas na ikulong kasama ng ibang kriminal ang mga batang masasangkot sa krimen.

Nais daw nila na mapigilan na ang paggamit ng mga sindikato sa mga bata sa pagawa ng krimen at maisailalim ang mga ito sa rehabilitasyon sa pangangalaga ng DSWD.

Sinabi pa ng kongresista na sa kabila ng maganda ang nilalaman ang Pangilinan Law, inaabuso ang batas dahil alam ng mga kabataan na hindi sila makukulong dahil sila ay wala pa sa hustong gulang.

Ang House Bill No.2 na inihain ni Alvarez at Capiz Rep. Fredinil Castro ay naglalayong ibaba ang edad ng mga batang maaaring maakusahan sa isang krimen na mula sa kasalukuyang 15 taong gulang sa siyam na taong gulang.

Ayon kay Alvarez handa naman silang pakinggan ang mga suhestiyon ng kanyang kapwa mababatas sa mga probisyong nais nilang alisin o idagdag oras na sumalang na sa pagdinig at debate ang nasabing panukalang batas.

(Grace Casin/UNTV Radio)

Tags: ,