Pag-alerto ng pwersa ng Philippine National Police sa buong bansa itinaas na para sa mahabang bakasyon sa susunod na linggo

by monaliza | March 27, 2015 (Friday) | 1670

pnp-alert-for-long-holiday
Inilagay na sa hightened alert status ng pambansang pulisya ang Luzon at Visayas simula kahapon para sa mahabang bakasyon habang nananatili naman sa full alert status ang Mindanao.

Ayon kay Police Community Relations Group Director P/CSupt. Nestor Quinsay, 90% ng mga pulis ang magpapatrolya at magbabantay sa mga maiiwang mga tahanan habang 10% naman ang mananatili sa mga opisina para sa mga paperworks.

Nagpaalala din ang pnp sa mga residenteng aalis ng kanilang mga tahanan na ikandado ang lahat ng pinto at bintana, maglagay ng alarm upang maalerto ang kapitbahay kung may makakapasok sa inyong tahanan, ipaalam sa kapitbahay ang inyong pag alis at babalik sa bahay; at tiyakin na walang naiwang nakasaksak na electrical appliances.

Sinabi pa ni quinsay na mamimigay sila ng leaflets sa mga residente sa buong bansa na naglalaman ng mga tips para makaiwas sa krimen at sakuna ngayong holiday season.

Magbabantay din naman ang 85% ng mga tauhan ng highway patrol group sa mga terminal, toll plaza at sa lugar kung saan dumadagsa ang mga pasahero.

Maglalagay din sila ng mga assistance center para sa mga motorista na uuwi sa kani kanilang mga lalawigan ngayong bakasyon.

Paalala pa ng highway patrol group, planuhin ang pagbiyahe at icheck na mabuti ang kondisyon ng sasakyan o ang blowbagets bago umalis ng kanilang tahanan upang makaiwas sa abala at ano mang sakuna.

Paalala pa ng pnp na agad itawag sa kanilang hotline na 09178475757 at 2920 kung nangangailangan ng tulong at kung may napapansing kahinahinalang kilos sa inyong komunidad.