Pag-aksyon sa mga abusadong driver, hindi ipinapasa ng LTFRB sa mga pasahero – Chairman Delgra

by Radyo La Verdad | August 31, 2017 (Thursday) | 2116

Nilinaw ni LTFRB Chairman ni Martin Delgra III na hindi naman nila ipinapasa sa mga pasahero ang pag-aksyon sa mga abusadong driver. Ito ang kaniyang tugon sa mga bumabatikos sa kaniyang naunang pahayag sa programang Get it Straight with Daniel Razon na umani ng batikos sa ilang mambabatas at maging sa maraming netizens.

Sa nasabing programa, nagsagawa ng social experiement ang UNTV kung saan sa sampung taxi na pinara ni Monica Verallo ay wala ni isa na nagsakay sa kanya.

Sa statement na ipinalabas ng LTFRB, sinabi nito na hindi dapat pinapayagan ng mga pasahero na abusuhin sila ng nga pasaway na driver dahil ito ay labag sa batas. Dapat aniyang igiit ng publiko ang kanilang karapatan, dahil marapat lamang na bigyan sila ng magalang at magiliw na serbisyo.

Binigyang-diin din ng pinuno ng ahensya na ang pagpilit ng karapatan ng isang pasahero ay hindi nangangahulugan ng pakikipagtalo sa mga taxi driver.

Payo pa ng LTFRB sa mga mananakay, i-record ang pangyayari oras na nanghihingi ng dagdag na bayad ang mga ito higit sa nakasaad sa metro ng taxi.

Maaari rin aniyang isumbong ang mga nangyaring pang abuso sa mga otoridad tulad ng sa pulis, LTO at LTFRB. Ngunit ang ilang kongresista , hindi pa rin kumbinsido sa paliwanag ng LTFRB.

 

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,