Hindi kuntento ang Presidential Anti-Corruption Commission sa resulta ng isinagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng 6.8 billion peso shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs (BOC).
Bagaman inirerespeto ng komisyon ang ilalabas na desisyon ng Blue Ribbon Committee, ayon kay PACC Chairman Dante Jimenez, bubuo sila ng fact-finding committee upang magsagawa ng sariling imbestigasyon sa isyu.
Layon nito na matukoy kung sinu-sino ang sangkot sa pagpupuslit ng ng bilyun-bilyong pisong halaga ng iligal na droga sa bansa.
Bukod sa mga opisyal ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), iimbitahan rin ng PACC sa isasagawa nilang imbestigasyon ang Philippine Coast Guard, ang Maritime Industry Authority, Philippine Ports Authority at iba pang mga ahensya ng pamahalaan.
Kasama ring makikipagtulungan sa PACC ang dating BOC district collector na si Attorney Lourdes Mangaoang. Si Mangaoang ang opisyal ng BOC na dati nang nagsiwalat na may kinalaman umano si dating BOC Commissioner Isidro Lapeña sa pagkakapuslit ng shabu na isinilid sa mga magnetic lifter.
Ayon naman kay Attorney Mangaoang, dati na niyang nababalitaan na posibleng pawalang-sala ng Senado si Lapeña sa naturang kontrobersiya.
Wala pang tugon sa ngayon sa isyu ang Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: BOC, BOC Commissioner Lapeña, pdea