Pag-abswelto ng Sandiganbayan kay dating Senador Bong Revilla, walang epekto sa kaso ni Enrile at Estrada – legal expert

by Radyo La Verdad | December 7, 2018 (Friday) | 86050

Nakangiti at bakas ang kasiyahan sa mukha ni dating Senador Jinggoy Estrada ilang minuto matapos ibaba ang hatol sa kaniyang matalik na kaibigan na si dating Senador Bong Revilla Jr.

Speechless daw siya sa pagkakataong ito matapos ilabas ang unang desisyon kaugnay ng pork barrel scam. Payo niya sa kaibigan na maglaan ng ‘quality time’ sa pamilya.

Isa si Estrada sa mga idinawit sa ten billion peso pork barrel scam. Subalit pansamantala itong nakalaya matapos payagan ng korte na magpiyansa ng 1.33 milyong piso.

Bukod kay Estrada, pinayagan din ng Sandiganbayan na makapagpiyansa ang kapwa akusado na si dating Senate President Juan Ponce Enrile.

Ayon sa isang legal expert at dean mula sa San Beda College of Law na si Ranhilio Aquino, kahit parehong plunder ang kaso nina Revilla, Estrada at Enrile kaugnay ng pork barrel scam, hindi ito nangangahulugan na ang desisyon sa kaso ni Bong ay siya ring magiging desisyon sa kaso ng dalawang dating mambabatas.

Bukod dito, ipinaliwanag ni Dean Aquino na may mga pagkakataon na bagaman ‘not guilty’ ang sintensya ay pinagbabayad pa rin ng korte ang dating akusado sa civil liability nito, tulad ng kaso ni Bong na ipinasasauli ang P124 milyon.

Sa ngayon ay nililitis pa rin ang kasong pandarambong ni Jinggoy sa Sandiganbayan. Umaasa naman siyang ma-aacquit siya sa naturang kaso.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,