METRO MANILA – Target ng Department of Science and Technology (DOST) na simulan ang isang real- world study sa epekto ng COVID-19 vaccines sa pilipinas sa susunod na buwan.
Mangangailangan ito ng P100-M na pondo para sa 1,000 partcipants.
Ayon kay DOST Task Group on Vaccine Evaluaton and Selection Chair Usec Rowena Guevara, pipili sila ng participants bago sila mabakunahan hanggang sa sila ay makatanggap ng kanilang COVID-19 shots.
Oobserbahan sila sa loob ng isang taon. Paliwanag ni Usec Guevara mahalaga ito upang makita ang epekto ng bakuna partikular sa mga Pilipino.
“Real world datam it will answer questions on the effect on the ethnicity kasi Pilipino na ngayon iyong mga bakunado that’s one. Second, iyong pinakaimportanteng masagot, ano iyong efficacy niya over time? Kasi iyon wala pang masyadong mga sagot doon sa tanong na iyon kasi hindi pa tapos lahat ng Phase 3 trials ng lahat ng bakuna na ito, lahat sila naka- EUA pa” ani DOST Task Group on Vaccine Evaluation and Selection Chair, Usec Rowena Cristina Guevara.
Hinihintay na lang ng DOST ang approval ng food and drug administration bago ito masimulan sa Hunyo.
Sakaling ito ay maging matagumpay, ito ang pinakabagong pag- aaral kaugnay sa real- world study kasunod ng mga isinagawang pag- aaral ng United Kingdom, United States, Israel, Indonesia, Chile at iba pa.
Bukod dito, sa Hunyo rin posibleng isagawa ang clincal trial para sa mix and match ng COVID-19 vaccines.
P100-M din ang kailanganng pondo at 18 buwan oobserbahan ang nasa 1,600 participants. Isasagawa ito sa trial sites sa National Capital Region, Cebu at Davao.
Sa pamamagitan nito, 2 magkaibang COVID-19 vaccine brand ang ituturok sa isang indibidwal para sa kaniyang first at second dose.
Kasama rin sa clinical trial ang pagbibigay ng ibang COVID-19 vaccine brand bilang booster shot sa isang indibidwal na nakakumpleto ng isang first at second dose ng COVID-19 vaccine gamit ang isang vaccine brand.
Layon ng clinical trial na makita ang epekto ng kombinasyon ng magkaibang COVID-19 vaccine brands at ang pagbibigay ng ibang vaccine brand sakaling may kakulangan sa supply ng COVID-19 vaccines.
Sa pamamagitan ng clinical trial na ito makakakuha rin ng datos ang mga eksperto kung ano ang epekto ng COVID-19 vaccines laban sa iba’t ibang COVID-19 variants.
Hinihintay na lang din ng DOST ang go signal ng Philippine FDA bago mailatag at masimulan kung anu- anong combination ng vaccine brand ang gagamitin.
(Aiko Miguel | UNTV News)
Tags: COVID-19 Vaccine, DOST