Pag-aaral ng Baybayin, isinusulong ng Kongreso na mapabilang sa school curriculum

by Radyo La Verdad | November 29, 2021 (Monday) | 22656

METRO MANILA – Ipinanukala ngayon sa kongreso ang isang batas na naglalayong muling buhayin ang tradisyonal na sistema ng pagsusulat sa ating bansa sa pamamagitan ng pag-aaral ng baybayin.

Ayon ito sa House Bill 10469 o ang “Philippine Indigenous and Traditional Wring Systems Act” na pinangungunahan nina Speaker Lord Allan Velasco at Manila Representative John Marvin Nieto, layunin nitong obligahin ang Department of Education (DepEd) at ang Commission on Higher Education (CHED) na isama sa school curriculum ang pag-aaral ng baybayin sa lahat ng antas.

“Sa pagkakaroon ng baybayin bilang elective subject sa kolehiyo at panibagong asignatura sa elementarya at high school, lalo nating maitatanim ang pagmamahal sa sariling bayan at wika, ang pagiging makabayan at ang nasyonalismo sa ating mga kabataan,”ani Manila Representative John Marvin Nieto.

Dagdag pa ni Rep. Nieto, palatandaan ng isang matatag na bansa ang pagkakaroon ng matibay na koneksyon nito sa sarili nitong kultura, tradisyon at kasaysayan na sa kasalukuyan ay naiwawala ng mga Pilipino buhat na rin ng kaisipang kolonyalismo, epekto ng kapitalismo at industrilisasyon, at mga makabagong teknolohiya.

Layunin din ng panakula na ito ang pagsasagawa at pagsuporta sa iba’t-ibang mga aktibidad na magsusulong sa paglinang ng tradisyonal na pagsusulat sa bansa gaya ng Buwan ng Wika, seminars, conferences pati na ang maaayos na preserbasyon ng mga orihinal na dokumentong nagpapatunay nito.

Pangungunahan ng National Commission for Culture and Arts ang paggawa ng mga patakarang kaugnay sa pagtataguyod ng baybayin bilang tradisyonal na pagsusulat sa bansa.

(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)

Tags: ,