Pag-aangkat ng nasa 22,000 MT ng sibuyas, irerekomenda ng DA

by Radyo La Verdad | January 9, 2023 (Monday) | 2798

METRO MANILA – Nasa 22,000 metriko tonelada ng sibuyas ang tinitingnang dami na posibleng angkatin ng bansa.

Ayon kay Agriculture Deputy Spokesperson Asec. Rex Estoperez, sa kabila ng paglalagay ng Suggested Retail Price (SRP) ng sibuyas ay hindi parin ito bumaba sa mga nagdaang araw.

Base aniya sa kanilang pagbisita sa taniman ng sibuyas sa Tarlac at Nueva Ecija ay mataas parin ang presyo ng inaani ng mga magsasaka.

Nagkakaroon pa aniya ng bidding kung saan pataasan ang mga trader.

Ayon kay Estoperez, kung maaaprubahan ay paparatingin ang mga sibuyas bago matapos ang Enero para hindi tumapat sa kasagsagan ng pag-aani ng mga lokal na magsasaka.

Tinatayang nasa 19,000 metric tons aniya ang maaani hanggang sa kalagitnaan ng Enero pero hindi parin ito inaasahang mapabababa ang presyo.

Inaasahan na ang mga imported na sibuyas ay mabibili ng mga consumer na mas mababa pa sa SRP na P250.

Pero ayon naman sa Katipunan ng mga Samahang Magsisibuyas sa Nueva Ecija o KASAMNE, makakaapekto sa presyo ng kanilang ani kung ngayon aangkat.

Bumaba na aniya ang presyo ng kanilang sibuyas at posibleng bumaba pa sa mga susunod na araw.

Ngayon pa lamang anila nakakabawi ang mga magsasaka sa ilang taon nilang lugi sa pagtatanim ng sibuyas.

Malaking tulong anila ito para maenganyong magtanim at sumigla ang industriya ng sibuyas sa bansa.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,