Pag-aalis sa mga road obstruction, sasakupin ng isinusulong na traffic crisis bill

by Radyo La Verdad | December 6, 2016 (Tuesday) | 893

joan_sarmiento
Ang larong basketball ang pangkaraniwang libangan ng mga Pilipino kaya madalas nating makikita sa ilang mga lugar sa Metro Manila ang mga basketball court.

Subalit kapansin-pansin na sa ilang mga barangay, mismong ang mga kalsada ang ginagawang basketball court ng mga residente kaya hindi madaanan ng mga motorista.

Isa ito sa mga nakikitang dahilan ng House Committee on Transportation sa problema sa trapiko sa ilang mga lugar.

Sa ilalim ng isinusulong na traffic crisis bill sa Kamara, mahigpit na ipagbabawal ang paglalagay ng basketball court at pagsasagawa ng burol sa mga kalsada.

Ito ay upang maalis ang lahat ng mga bagay na nakasasagabal sa daloy ng mga sasakyan.

Sa panayam ng programang Get It Straight with Daniel Razon kanina, sinabi ni House Committee Chair on Transportation Congressman Cesar Sarmiento na sa ngayon ay patuloy nilang isinusulong ang traffic crisis bill na target na maisapinal sa Enero 2017.

Samantala nagbabala naman ang inter-agency council for traffic na ipatatanggal nila ang anumang nakakasagabal sa daloy ng mga sasakyan lalo na sa secondary roads.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: ,