METRO MANILA – Epektibo bukas (February 1), hindi na kailangan pang sumailalim sa facility-based quarantine ang mga fully vaccinated na byaherong manggagaling sa ibang bansa mapa foreign nationals man at returning overseas Filipinos.
Sa inilabas na bagong guidelines ng pamahalaan, kailangang may maipakita silang negative result ng kanilang RT-PCR test sa nakalipas na 48 oras bago ang kanilang departure.
Gayunman obligado pa rin silang obserbahan ang mga sarili habang nasa bahay sa loob ng unang 7 araw mula pagdating. Dapat din may maipakitang proofs of vaccination.
“Ang nilista po ng IATF na maaari pong magamit as proof of vaccination, una sa lahat yung WHO international certificates of vaccination and prophylaxis, ‘yung VaxcertPH at tsaka national or state digital certificate na nanggaling po doon sa foreign government na nag-issue po nito na tinanggap ang VaxcertPH under a reciprocal arrangement na pinayagan na po ng IATF.” ani BOI Spokesperson, Dana Krizia Sandoval.
Pero mariin itong tinutulan ng ng health advocate na si Dr. Anthony Leachon. Aniya, dapat ay pinag-iisipan itong maigi ng pamahalaan lalo’t maaari itong magdulot ng super spreader event.
Giit nito, kahit fully vaccinated ang isang indibidwal ay maaarin parin itong mahawa o makapanghawa ng COVID-19.
Maigi aniyang bago ito ipatupad ay bigyan muna ng kahit dalawang linggo para maipaliwanag sa publiko ang bagong polisiya.
Samantala, maliban sa pagpresenta ng negative RT-PCR test sa nakalipas na 48 hours bago ang departure.
Obligado pa rin na sumailalim sa facility-based quarantine ang mga hindi pa bakunado at partially vaccinated at magpatest sa ika-limang araw mula arrival. Kung negatibo sa COVID, maaari nang ituloy sa bahay ang quarantine.
(Janice Ingente | UNTV News)