Paaralan sa Imus, Cavite, naglunsad ng Automated ID System ngayong pasukan

by Radyo La Verdad | June 4, 2019 (Tuesday) | 8114

IMUS CITY, CAVITE, Philippines – Iwas cutting classes at pangamba ng mga magulang ang masosolusyunan sa inilusad na Automated ID System sa Tanzang Luma Elementary School sa Imus City, Cavite. Sa pamamagitan ng bagong sistema, malalaman ng mga guro at magulang kung ang isang bata ay nakapasok na sa paaralan.

Ang bagong lunsad na Automated ID System sa Tanzang Luma Elementary School sa Imus City ay magagamit sa pamamagitan ng pag-tap ng ID sa sensor nito at kaagad itong magpapadala ng text message sa mga  magulang. Makikita rin dito ang bilang ng mga bata na pumasok at lumabas sa paaralan.

“Base doon sa interview natin sa ating principals, maging sa teachers at sa parents talagang malaking katulungan, hindi na sila nag-aalala ngayon dahil alam nila kung nakapasok na ang kanilang mga anak sa eskwelahan at malalaman din nila kung nakabalik na, so, sa ganoong paraan nasisigurado natin ang safety ng mga bata,” ani ni School Division Superintendent Dr Hermogenes Panganiban.

“Napakalaking tulong talaga sa isang magulang kasi tulad ngayon napakadelikado ng panahon kinakailangan talaga eh, maging safe ang mga bata,” pahayag naman ng guro ng paaralan na si Head Teacher III Marissa Agco.

Bukod sa mga estudyante, ito na rin ang nagsisilbing time in at time out ng mga guro sa nasabing paaralan.

Ayon sa ilang mga magulang, magiging panatag na sila sa kanilang mga anak dahil sa isinagawang bagong paraan ng pagmomonitor ng paaralan.

Pahayag naman ng isang magulang na si Salve Vargas, “masasabi mong one of the best kasi ang hirap yung minsan yung bata kasi nagka cutting classes tapos yung mga magulang walang alam, di ba nagkaroon ng isyung ganyan na may mga dinudukot na bata so ngayon at least panatag na ang kalooban namin.”

 “Maganda yung kanilang programa tungkol doon sa ID system na ganoon kasi kami na mga magulang kapag ka nag-text sa amin yung mga anak namin ay nasa school na panatag na kami. Nagaalala kami na baka yung anak namin nag cutting, baka yung anak namin hindi pumasok or saan nagpunta nag-computer ngayon alam na namin kung anong oras sila pumasok at anong oras sila lumabas,” ani Maricel Bainto isa sa mga magulang ng estudyante ng paaralan.

Dahil sa pilot testing pa lamang ay hindi pa masyadong bihasa ang mga bata sa bagong sistema kaya magsasagawa ng mga orientation ang paaralan. Target naman ng Department of Education sa Imus City na lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod ay magkaroon ng Automated ID System.

(Benidect Samson | UNTV News)

Tags: ,