Sa bisa ng search warrant ay sinalakay ng Albuera Police kasama ang anim na brgy kagawad at representante mula sa Department of Justice ang bahay ni Mayor Rolando Espinosa Sr. sa Albuera Leyte pasado alas sais kahapon ng umaga.
Naka kandado at tila abandonado na ang mga bahay ng mga Espinosa sa Albuera.
Ayon kay Albuera PNP Chief Police Chief Inspector Jovie Espenido, labing isang pakete ng pinaghihinalaang shabu ang natagpuan nila sa bahay na nagkakahalaga ng mahigit walumpung libong milyong piso.
Maliban sa droga nakasabat rin ang mga otoridad ng labing dalawang camouflage uniforms at iba’t ibang sangkap sa paggawa ng bomba.
Matapos ma validate ang mga nakumpiskang droga ay dinala na agad na ang mga ito sa PNP Proper Custodial Center upang gamiting ebidensya sa isasampang kaso sa mag-amang Espinosa.
Samantala, nanawagan naman ang mga kaanak ng mag-amang Espinosa na kung maaari ay huwag i shoot to kill si Kerwin at sa halip ay pasukuin nalang ito.
Sa ngayon ay nagpapagaling sa isang ospital sa Cebu si Mayor Espinosa.
Dinala sa ospital ang alkalde pagdating nito noong Sabado dahil sa iniindang pananakit ng dibdib.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency Region 7 nakahanda na sila sakaling magpakita ang nakababatang Espinosa.
(Jenelyn Gaquit/UNTV Radio)