P85-M smuggled na mga karne, hinarang ng BOC

by Radyo La Verdad | June 28, 2022 (Tuesday) | 475

Tinatayang P85-M na halaga ng mga ilegal na imported na karne ng baboy at manok ang hinarang ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP) nitong Lunes (June 27).

Ayon kay Customs Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro, nahaharap ang Jeroce Consumer Goods Trading at ang broker nitong si Gilber Gucilatar Lopez sa kasong smuggling at iba pang kaukulang kaso dahil sa limang misdeclared shipments na dumating noong June 15.

Sa panayam kay Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) director Jeoffrey Tacio, sinabi nito na nakatanggap sila ng impormasyon na laman ang kargamento hotpot balls at steamed buns ngunit naglalaman pala ng karneng smuggled galing sa China.

Dagdag niya, nang natangggap nila ang impormasyon, agad silang humingi ng request sa MICP district collector para sa Alert Order o 100% physical examination at doon nasabat ang limang 40-foot containers na may lamang mga karne.

Ayon kay MICP District Collector Romeo Allan Rosales, maghahain agad ng Warrant of Seizure at Detention para sa mga kargamento.

Ilan sa maaaring malabag ng ilegal na shipments na ito ay ang Customs Modernization and Tariff Act Section 117 (Regulated Importation and Exportation), Section 1400 (Misdeclaration) at Section 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture).

(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)